"Kagagaling ko lang ng 16 hours straight duty. Wala na kasi kaming staff, quarantined na halos kami doon. Nakakaba, pero kailangan, eh. Call of duty, eh. Kapag may nagco-code na patient, yung kailangan i-revive, iyong before pa sila i-swab, papangit na agad kasi mabilis yung progress ng sakit, 'yon' 'yong nakakatakot. Nakakakaba rin pero may mga PPEs naman sa hospital namin, kompleto naman. Sana every off bumibisita ako sa province, kasi parang naging monthly na lang ang uwi ko. Kasi nagigipit eh. Pero yun pala dapat. Parang every week dapat umuuwi ng probince." - Arlo, 27 | Nurse
"Ang bahay namin sa likod ng hospital sa Martinez, nilalakad ko po simula 3:30 (AM). Nilalakad ko po hanggang dito sa Mcdo Boni kasi dito po ako na-assign. Pag-uwi nilalakad ko rin. Kinsenas po kami. Bago dumating ang kinsenas wala na kaming mauutangan kasi may covid-19 ngayon. Ang hirap. Bago dumating ang kinsenas talagang lugaw, asin na lang ang timpla. Kagabi binigyan kami ng karton na may "DSWD" , titipirin po namin 'yon kung may magbigay pa, salamat kung meron. Kasi hindi naman kami umaasa, lahat naman tayo hindi naman natin inaasahan na dumating etong covid-19. Kaya hindi natin sila puwedeng sitahin at pilitin para magbigay ng tulong. Kung may maitulong sila, salamat." - Rosenda, 63 | Street Sweeper
"Di naman tayo pinapabayaan ng nasa taas. Bago ka lumabas, paggising, mag pray. Siya lang naman sandalan nating lahat, 'di ba?' Siyempre sisimba, magpapasalamat kapag natapos din itong problema natin, 'yan ang importante. Huwag lang dito! Buong mundo na! Hindi lang dito sa atin, buong mundo na matapos na ang problema." - Manuelito, 40 | Buko Vendor
"Hindi talaga ako natakot. Hindi talaga ako natatakot. Ang nakakatakot ay 'yong sa family 'pag uuwi ka. - Jimena, 20 | MedTech
"Iyong hospital namin kasama ang mga infection control committee, they make sure na talagang protected kami, ang mga staff nila para 'di makahawa. Kasi ayaw din naman naming sa amin manggagaling' yong sakit o makahawa ka ng iba. Nakatira ako sa Pioneer, tapos nilalakad ko papuntang Galleria, from there may shuttle na papuntang hospital. Noong una nagpanic din ako para sa sarili ko na, paano ba 'to? Kailangan ko pumasok, tapos nagkaroon pa kami ng konting PPE. Noong una nakakatakot din naisiapan ko rin na hindi na pumasok, na mag-leave na rin, lalo na' yong transpo mahirap. But then narealize ko kung hindi ako papasok, paano na lang din ang iba kong kasama. Sa amin na lang din namin kasi kinukuha 'yong motivation ng bawat isa. Kung nakikita nilang pumapasok ka, at least kahit papaano, nakakatulong ka sa iba, nae-engganyo mo rin sila na pumasok din. Every time na may gumagaling at nakakapag-discharge kami ng patient ang gaan-gaan kasi sa feeling. Actually minsan nakakatuwa kasi may mga tumutulong pa sa amin, minsan may mga nagsasakay pa sa amin papunta sa work." - John Michael, 31 | Pharmacist
"Buti nagkaroon ng ganito eh, biyaya ni mayora. Dalawang libo. Kung susumahin mo, matitipid mo ng mga 3 to 4 days 'yon. May ipon naman kaunti kaya lang naubos din. Kapag natapos ang lockdown, maghahanap ng mautangan pambayad ng kuryente. Eto na, eto na ang pinakamahirap. Kasi gusto mong maghanapbuhay hindi ka puwedeng lumabas. Wala ring magpapa-sideline sa' yo kasi sila rin nakalockdown, wala talagang paraan. Iyong safe kami ng pamilya ko, 'yon na ang pinaka the best sa akin." - Joeiu, 47 | Tricycle Driver
"Sa ating kasamang mga doctor, sana 'di natin pabayaan ang mga pasyente na nangangailangan din ng ating mga serbisyo, lalong-lalo na sa mga emergency na pasyente na hindi naman COVID-19. TB, HIV, marami na ako na-encounter. Pero eto, nakikita natin ang mga numero, ang mga statistics, at mga personal na mga kakilala. Marami na akong kakilalang namatay at nagkaroon ng infection at base sa kanila, kinukuwento talaga nila ang experience nila which is hindi talaga maganda. Kaya 'yon yong natatakot kami. Yung Duty, wala kang nakakausap, mag-isa ka lang sa quarters mo or doon sa desk mo. Puro virtual. Pati mga kasama mo sa work 'di kayo nagkakakitaan. May takot talaga, kahit sa aming mga doctor. Ako bilang isang ama, may anak akong dalawa, isa pa' yon. Syempre lagi kang may pangamba na baka mahawaan mo ang mga anak mo at pamilya mo. Asawa ko rin kasi doctor kaya mahirap sa amin kasi dalawa kami nag du-duty. So kailangan talaga namin mag-ingat para sa pamilya namin." - Dr. Miguel | ENT Specialist
"Pinapayuhan ko si Pangulong Duterte na itong quarantine niya maraming naapektuhan, maraming nawalan ng trabaho, maraming nagsarang negosyo, maraming nagugutom. 'Di naman kayang suportahan ng gobyerno ang pangangailangan ng mamayan kaya gutom ang tao. Kung iutos ni Duterte na gumawa ng maskarang ganito, 'di na kailangan ng quarantine." - Lolo who refused to be named
"Sa ngayon challenge yung pagiging frontliner namin kasi mahirap dahil malayo kami sa pamilya namin. Kailangan namin isakripisyo yung buhay namin. Iniingatan ko rin ang kaligtasan ng pamilya ko kasi hindi ko alam kung carrier na rin ako." - John Patrick, 29 | Security Officer
"Bakasyon lang noong February. Naabutan ako ng lockdown. Gusto ko umuwi sa Cotabato, nandoon 'yung farm ko. Ligtas ako roon kahit hindi ka magsuot ng mask, hindi marami ang tao roon, kakaunti lang. Sabi ng anak ko may ticket na kami, April 30 pa raw, matagal pa." - Paterno, 77 | Farmer
"Mayroon naman ibang matigas talaga ang ulo eh, kami na mismo ang nagpapalayo. Kaya nga kailangan sumunod lahat para matapos na. Para sa atin 'yon eh." - Merla, 58 | Meat Vendor